Fri, 04 Dec 2020

Cua: Handa ang lalawigan sa bagyo

Philippine Information Agency
20 Oct 2020, 23:38 GMT+10

CABARROGUIS, Quirino, October 20 (PIA)-Nakahanda ang lalawigan sa anumang sama ng panahong dulot ng bagyong Pepito ayon kay Gob. Dax Cua.

Ani Cua, naipadala na ng PSWDO ang mga food packs para sa mag maaapektuhang residente at nakaantabay din ang mga rescue equipment na aalalay sa mga lilikas sakaling kinakailangan.

"Base sa ulat ng mga MDRRMO sa kakatapos na pagpupulong ng PDRRMC, naka-monitor sila sa mga barangay at nakakalat ang mga numerong pwedeng tawagan sakaling may mga problema sa mga iba't ibang lugar," paniguro ng gobernador.

Pinayuhan ng gobernador ang mga mamamayang maghanda, ayusin ang mga bubong, mga gamit na pwedeng mabasa o mailipad ng hangin at ang mga alagang hayop.

"Inaasahang darating ngayong gabi ang bagyo kung kaya't pinapaalalahanan natin ang ating mga kababayang i-secure ang kani-kanilang mga tahanan, kung kailangan po ninyo ng tulong ay makipag-ugnayan po kayo sa inyong kapitan at nakahanda pong umalalay ang PLGU kung kailangan po ninyo ng tulong," ani Cua.

Sa Maddela, patuloy ang pagbabantay sa mga overflow bridges ng Manglad at San Pedro at pagbibigay ng abiso sa mga residente sa mga bahaing lugar na maghanda para sa preemptive evacuation.

Passable pa ang mga nasabing overflow bridges kanina ngunit unti-unting tumataas ang tubig dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan.

Sa kasalukuyan ay mahina hanggang sa malaakas na ulan at mahinang hangin ang nararanasan ng lalawigan. (TCB)

Sign up for Los Angeles News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!