Fri, 10 Apr 2020

Kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Laguna, 15 na

Philippine Information Agency
26 Mar 2020, 09:38 GMT+10

BAE, Laguna, Marso 26 (PIA) - Umakyat na sa 15 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ng Laguna base sa talaan ng Department of Health (DOH) 4A Marso 25.

Sa mga nakalap na ulat mula DOH 4A at mga lokal na pamahalaan sa probinsya, mayroon nang kabuuang 15 positibong kaso rito kung saan 6 ay mula sa Lungsod ng Sta. Rosa, 3 sa Lungsod ng Binan, 1 sa Cabuyao, 1 sa Lungsod ng Calamba, 2 sa Lungsod ng San Pedro, 1 sa Los Banos at 1 sa Lumban.

Sa magkahiwalay na anunsyo noong Marso 24, 2020, inihayag ng Pamahalaang Lungsod ng Binan ang ikalawang positibong kaso ng Coronavirus disease o COVID-19 sa kanilang lugar at ng pamahalaang lungsod ng Cabuyao ang kauna-unahan namang positibong kaso rito.

Noong Marso 25, 2020 naman ay kinumpirma ng Lungsod ng Calamba ang unang kaso ng naturang sakit sa lokalidad, sa Lungsod ng Binan naman ay ikatlong kaso, sa Lungsod ng San Pedro ay ang kauna-unahang dalawang kaso, at unang kaso sa Los Banos at Lumban.

Binan

Base sa ulat, ang ikalawang nag-positibo sa Binan ay isang 42-taong gulang na babaeng mula sa Brgy. Canlalay na walang anumang travel history.

Aniya ang pasyente ay nasa "stable" na kondisyon at sasailalim sa ikalawang swab testing.

Samantala, ang ikatlong pasyenteng positibo sa virus sa lungsod na ito ay isang 39-taong gulang na lalaki na residente sa Carmona Estates na nasa Brgy. Timbao.

Wala siyang anumang history of travel at batay sa ulat ng pamahalang lungsod ay naka-home quarantine.

Cabuyao

Ayon naman sa opisyal na pahayag ni Cabuyao Mayor Mel Gecolea ang unang pasyente sa lungsod ay residente mula sa Brgy. Mamatid.

Ang pasyente ay namatay diumano dahil sa sakit sa puso ngunit kinumpirma ng ospital sa Maynila na nagpositibo ito sa COVID-19.

Sa kasalukuyan, isinasagawa na ang contact tracing katuwang ang City Health Office.

"Muli po hinihingi po naming ang kooperasyon sa contact-tracing at sa home quarantine po, obserbahan po nating mabuti ang home quarantine," pakiusap ni Dr. Bong Fabros, Chief of Hospital ng Ospital ng Cabuyao.

Nakikipag-koordina na aniya ang pamahalaang lungsod sa mga pribadong ospital upang higit na mapagkaisa ang mga pagsisikap o maging mas "concerted ang effort" ng mga ito laban sa virus.

Inihahanda na rin aniya nila ang bagong ospital sa lungsod para mapaigting ang pagresponde sa kasalukuyang sitwasyon ng rito.

Nakiusap naman ang mga kapulisan na pinangunahan ni Col. Reycon Garduque ng Philippine National Police (PNP) kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga mamamayan na sila ay makiisa, makipagtulungan at sumunod sa mga patakaran para hindi na madagdagan pa ang kaso ng COVID-19 sa lugar.

Inabisuhan nito ang mamamayan ng Cabuyao na sila ay mag-iikot muli at maghihigpit habang ginagawa ang contact tracing

Calamba

Sa Lungsod naman ng Calamba, ipinahayag ng pamahalaang lungsod na ang unang pasyente ng COVID-19 rito ay mula sa Brgy. Canlubang at may isinasagawa na ring contact tracing.

San Pedro

Sa ulat ng Pamahalaang Lungsod ng San Pedro, ang isa sa dalawang pasyenteng nagpositibo sa virus ay 71 taong gulang na babae mula sa Brgy. Pacita at ang pangalawa ay 52 taoong gulang na lalaki na residente ng Brgy. Fatima.

Ang dalawang pasyente ay kasalukuyang pinangangalagaan sa dalawang magkahiwalay na ospital sa lungsod.

Los Banos

Ayon naman sa public address ni Mayor Ceasar Perez, ang pasyente mula sa Los Banos ay isang 69 taong gulang (na hindi nabanggit ang kasarian) na diumano'y nagpunta sa Baclaran at Quiapo sa dalawang magkahiwalay na araw bago naideklara ang Luzon-wide Enhanced Community Quarantine.

Pumanaw ang pasyente bago pa man lumabas ang resulta na ito ay positibo sa COVID-19.

Lumban

Samantala, kinagabihan ay inanunsyo rin ng Rural Health Unit (RHU) ng bayan ng Lumban na mayroon na ring positibong kaso sa kanilang lokalidad.

Batay sa ulat, ang 93 taong gulang na babae ay residente ng Lumban subalit matagal nang nakatira sa Quezon City. Ito ay umuwi sa bayang ito noong Marso 8 para magbakasyon.

Ang pasyente umano ay na-admit sa Laguna Doctor's Hospital mula Marso 11 hanggang 23 dahil sa hirap sa paghinga.

Isinasagawa na rin aniya ang contact tracing at pagmomonitor.

Nilinaw ng Lumban RHU na ang pasyente ay buhay pa at kasalukuyang maayos ang kalusugan, wala lagnat, walang ubo at hindi hirap sa paghinga.

Ang lahat ng kasama nito sa bahay ay pinagbawalan nang lumabas at tumanggap ng bisita, at makipag-ugnayan kaagad sa Lumban RHU kung mayroong simtomas na maramdaman.

Ang mga Lungsod at bayang nabanggit ay patuloy sa kanya-kanyang pagpapaigting ng mga hakbangin upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa kanilang mga nasasakupan. (Joy Gabrido)

More Los Angeles News

Access More

Sign up for Los Angeles News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!