Fri, 23 Aug 2019

Tagalog News: Kaso ng dengue sa Pampanga, bumaba ng 44 porsyento

Philippine Information Agency
13 Aug 2019, 16:38 GMT+10

Binigyang-diin ni Provincial Health Office Chief Dr. Marcelo Jaochico ang ng pinaigting na ugnayan ng iba't ibang yunit ng lokal na pamahalaan at ang pinalakas na kampanya ng pamahalaang panlalawigan kontra dengue bago pa man magsimula ang tag-ulan sa pagbaba ng kaso ng dengue sa lalawigan ngayong taon kumpara noong 2018. (Marie Joy L. Simpao-Carbungco/PIA 3)

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Agosto 13 (PIA) -- Bumaba ng 44 porsyento ang kaso ng dengue sa Pampanga ngayong taon sa kabila ng pagdedeklara sa sakit bilang isang pambansang epidemya.

Batay sa tala ng Provincial Health Office o PHO, may 1,405 kumpirmadong kaso ngayong taon kumpara sa 2,489 kaso noong 2018.

Bumaba din ng 86 porsiyento ang bilang ng mga namatay na dalawa lamang hanggang Agosto 3, kumpara sa 14 noong nakaraang taon.

Ayon sa hepe ng PHO na si Dr. Marcelo Jaochico, ang nasabing pagbaba sa mga kaso ay bunsod ng pinaigting na ugnayan ng iba't ibang yunit ng lokal na pamahalaan at ng pinalakas na kampanya ng pamahalaang panlalawigan kontra dengue bago pa man magsimula ang tag-ulan.

Aniya, bahagi ng kanilang inisytiba ay ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga Barangay Dengue Task Force, Nanay Community Workers, Municipal at Rural Health Workers at midwives na subaybayan at tugunan ang mga kaso ng dengue sa kani-kanilang mga komunidad.

Ayon kay Jaochico, regular din ang paglilinis ng mga ito sa mga barangay upang puksain ang mga maaaring pangitlugan ng mga kiti-kiti.

Dagdag pa niya, patuloy din ang pagsubaybay nila sa mga barangay na may hotspot at clustering o pagkukumpol ng mga kaso, at ang pagsasagawa ng mist blowing o spray blowing sa mga lugar na ito upang maiwasan ang pagkalat ng mga lamok.

Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 25 barangay ang isinailalim sa dengue hotspot areas, habang pito naman ang may pagkukumpol ng mga kaso.

Ang lungsod ng Mabalacat ang may pinakamaraming kaso ng dengue na may 230 o 16 porsiyentong kabuuang kaso sa lalawigan, kasunod ng Lungsod ng San Fernando na may 165 na kaso. (CLJD/MJSC-PIA 3)

More Los Angeles News

Access More

Sign up for Los Angeles News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!