Tue, 23 Jul 2019

Tapang, malasakit sa kapwa mga sangkap upang maging bayani

Philippine Information Agency
14 Jun 2019, 18:38 GMT+10

Hinamon ni Dara Mae Tuazon, The Outstanding Fernandino Youth Awardee 2019, ang mga kabataang Fernandino na gamitin ang lakas at talent upang makapag-iwan ng makabuluhang pagbabago sa mundo. Si Tuazon ang panauhing pandangal sa pagdiriwang ng ika-121 taon ng Kalayaan ng Pilipinas na ginanap sa Syudad ng San Fernando. (Marie Joy L. Simpao/PIA 3)

Binigyang diin ni 2019 The Outstanding Fernandino Youth Awardee Dara Mae Tuazon na ang tapang at malasakit sa kapwa ay mga sangkap upang maging bayani.

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa lungsod ng San Fernando, sinabi ni Tuazon na sa ngayon ay hindi na kailangan pang mamatay para lamang maging isang bayani.

Aniya, sa pagbabalik tanaw sa kasaysayan, makikita na may pagkakahalintulad ang mga nasyonal at lokal na bayani sa dalawang katangian -- ang tapang at malasakit.

Bilang mga makabagong bayani, kailangan aniyang magkaroon ng tapang ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, na labanan ang hindi makatwirang kamangmangan, gaya ng ipinamalas ng mga nauna sa kanila.

Bukod sa tapang, kailangan din aniyang magpakita ang bawat isa ng pagmamalasakit sa kapwa.

Ayon kay Tuazon, ang lakas ng San Fernando ay nasa kanyang nagkakaisang mamamayan at bawat Fernandino ay isa sa mga pwersang magdadala ng isang mapayapa, matatag at maunlad na bukas.

Aniya pa, likas sa bawat tao ang pagmamalasakit at maari silang magdulot ng magandang pagbabago sa kani-kaniyang mga komunidad kung magkakaroon lamang ng inisyatibong gawin ito at baguhin o punuan ang mga sariling pagkukulang.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinamon niya ang mga Fernandino, lalo na ang mga kabataan na gamitin ang lakas, talino, talento, iba't ibang kasanayan at oras na ipinagkaloob sa mga ito upang maabot ang kapwa at makapagdulot ng makabuluhang pagbabago sa mundo. (CLJD/MJLS-PIA 3)

More Los Angeles News

Access More

Sign up for Los Angeles News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!