Sun, 25 Aug 2019

Tagalog News: Pagbubukas ng klase sa Romblon State U, sa Agosto na

Philippine Information Agency
27 May 2019, 13:38 GMT+10

ODIONGAN, Romblon, Mayo 27 (PIA) -- Ililipat na ngayong taon sa buwan ng Agosto ang permanenteng simula ng klase sa Romblon State University (RSU) para sa calendar year 2019-2020 ayon sa opisyal ng unibersidad.

Sinabi ni Dr. Arnulfo De Luna, RSU President, na ito ay alinsunod sa memorandum ng Commission on Higher Education (CHEd) na nag-uutos sa lahat State Universities and Colleges (SUCs) gayundin sa Local Universities and Colleges (LUCs) na ipatupad ngayong taon ang nakasaad sa probisyon ng Higher Education Act of 1994 o Republic Act 7722 at Commission En Banc Resolution No. 142-2019.

Kabilang aniya sa magpapatupad ng pagpapalit ng academic calendars ay ang lahat ng extension campus ng Romblon State University sa bayan ng Romblon, Cajidiocan, Calatrava, San Agustin, San Andres, San Fernando Campus, San Fernando, Santa Fe at Santa Maria, kasama rin ang High School department ng pamantansan.

Ayon sa pamunuan ng RSU, dahil sa pagpapatupad ng bagong calendar year, inaasahang matatapos ang 1st semester ng klase sa Disyembre, habang magsisimula naman ang second semester sa Enero at magtatapos sa buwan ng Mayo.

Ayon pa sa opisyal, malaking tulong din ito para mas mabilis ma maipatupad ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017; at sa Section 3 ng Republic Act No. 7797, An Act to Lengthen the School Calendar from 200 Days to Not More than 220 Class Days.

Sa hiwalay na pahayag noon ni Dr. Elvin F. Gaac, Vice President for Academic Affairs ng RSU, sinabi nitong malaking tulong ang pagpapalit ng school opening ng unibersidad lalo na sa mga estudyanteng gustong maging exchange student sa ibang bansa, o di kaya sa mga estudyanteng papasok ng RSU galing sa ibang paaralan na Agosto rin ang simula ng calendar year.

"Hindi na nila kailangang mag-antay ng halos ilang taon kung balak nilang mag-transfer sa RSU dahil pareho na tayo ng calendar year sa kanila," paliwanag ni Dr. Gaac.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

More Los Angeles News

Access More

Sign up for Los Angeles News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!