Tue, 23 Apr 2019

BUSTOS, Bulacan, Enero 17 (PIA) -- Nagkaroon ng malaking pagkakakilanlan ang dating tulog na bayan ng Bustos mula nang ipagdiwang ang Minasa Festival na ngayo'y nasa ika-siyam na taon na.

Iyan ang tinuran ni Mayor Arnel Mendoza sa pagbubukas ng 9th Minasa Festival kung saan naging panauhing pandangal si dating Special Assistant to the President Christopher Lawrence Go.

Sinimulang ipagdiwang ang Minasa Festival noong taong 2011 bilang isang malakihang promosyon sa pamosong Biskit na Minasa at makahikayat ng mga turistang bisitahin ang iba pang pasyalan gaya ng Bustos Dam.

Ayon kay Zeny De Lara, isang premyadong gumagawa ng Minasa sa Bustos sa nakalipas na 60 taon, pinalakas ng taunang Minasa Festival ang mga kabuhayan ng mga tagarito dahil dumami ang gumagawa ng Minasa.

Bilang resulta, tumaas ang produksyon ng Minasa kaya't nailuluwas na ito sa mga merkado ng California at New Jersey sa United States, sa China at sa Italy.

Nagsisilbing isang One Town, One Product ng Bustos ang Minasa kaya't ayon pa kay Mayor Mendoza, naglalaan ng isang milyong piso kada taon ang Pamahalaang Bayan para sa mga micro, small and medium enterprises ng Bustos partikular na iyong mga gumagawa ng Minasa. (CLJD/SFV-PIA 3)

Sign up for Los Angeles News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!